Aminado ang Philippine National Police (PNP) na sampal sa kanilang mukha ang tumataas na bilang ng patayan sa bansa.
Sa plenary deliberation ng Senado sa panukalang 2024 budget ng PNP, ipinahayag ng mga senador ang pagkabahala nila sa sunod-sunod na napapaulat na kaso ng patayan, lalo na ang mga nagiging viral sa social media.
Ibinahagi naman ng nagdepensa sa budget ng PNP na si Senador Sonny Angara na base sa kanilang datos ay tumaas ang kaso ng homicide na naitala nila mula january to October 2023 sa 907, kung ikukumpara sa 851 homicide cases na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, bumaba naman ang bilang ng ibang krimen gaya ng physical injuries, rape, robbery, theft at carnapping.
Tiniyak naman ni PNP Chief Benjamin Acorda na tutugunan at reresolbahin ng pambansang pulisya ang mga nangyayaring patayan.
Kabilang sa mga kinokonsidera na ng PNP ang pagbabalik ng mga bus marshal, sa pakikipagtulungan sa mga bus companies.
Paiigtingin rin aniya ng pulisya ang kanilang presensya sa mga places on convergence lalo na ngayong papalapit na ang Christmas season. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion