Mag-uusap sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Chinese President Xi Jin Ping, ngayong araw tungkol sa usapin sa West Philippine Sea.
Sa ibinahaging post ni Pangulong Marcos, sinabi nitong magkakaroon sila ng pag-uusap ng Chinese leader habang nagbahagi din ito ng naging laman ng kanilang pagkikita kahapon ni US Vice President Kamala Harris sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting, partikular bago magsimula ang APEC Conference.
Ayon sa Pangulo, interesado ang Bise Presidente ng Amerika na malaman ang assessment ng Pilipinas hinggil sa mga naging pangyayari nitong mga nakaraan sa West Philippine Sea.
Dito naman inilahad ng Chief Executive ang mga kaganapan sa mga nagdaang buwan.
Inaasahan namang muling babalikan ni Pangulong Marcos si Vice President Harris upang balitaan ito sa kung ano ang mapag-uusapan nila ni Xi Jin Ping ng China.
Binigyang diin naman ng Pangulo na pangunahin pa ring pakay ng bansa ang matamo ang kapayapaan sa gitna ng usapin sa West Philippine Sea. | ulat ni Alvin Baltazar