Higit 400 na kaso ang naihain ng Commission on Elections (COMELEC) para sa mga kandidatong tumakbo sa katatapos lamang na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Oktubre.
Laban ito sa mga nagsagawa ng early campaigning, premature campaigning, o vote-buying.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni COMELEC Spokesperson Rex Laudiangco na mula sa bilang na ito, 101 dito ang nanalo sa halalan, ngunit na-isyuhan ng order of suspension for proclamation.
“Lahat po ito ay may petition for disqualification na na-file bago maghalalan. Sa 400 po na iyan, 101 po ang nanalo at lahat naman po sila ay naisyuhan ng order for suspension of proclamation.” — Atty. Laudiangco.
Ibig sabihin, wala pa sa mga ito ang nakaupo sa mga pwestong kanilang naipanalo.
Ang mga pwestong ito ay pansamantalang pinupunan muna ng mga dati nang nakaupong barangay official.
“Sa ngayon po, wala pang nakaupo doon sa kanilang mga puwestong binakantehan. Pero hindi naman po ito cause for concern dahil nga po iyong pag-upo po, bago po itong halalan ay sila po ay pinupunan noong mga dati nang nakaupo under hold-over capacity na pinagtibay po ng ating Korte Suprema. Kung saan ang probisyon po sa Republic Act 11462 ay nagsasabing, the hold-over shall continue and subsist until their successor have been elected and qualified to office.” — Atty. Laudiangco. | ulat ni Racquel Bayan