Inaasahan ng Philippine Statistics Authority ang pagtaas sa bilang ng mga magkakatrabaho ngayong huling quarter ng taon.
Ayon kay PSA National Statistician at Civil Registrar Gen. Usec. Claire Dennis Mapa, kadalasan talagang nagkakaroon ng pagtaas sa employment rate sa ikaapat na quarter dahil sa tumataas rin ang economic activities sa pagpasok ng holiday season
Kasama sa inaasahang tataas ang demand sa seasonal jobs o ang mga trabaho tuwing sumasapit ang kapasakuhan.
Paliwanag ni Usec. Mapa, kabilang sa mga sektor na inaasahang madaragdagan ang labor force ang retail trade gaya sa mga bazaar, at department stores.
Bukod dito, inaasahan ding tataas ang employment rate sa services sector gaya sa mga hotel at accomodation pati na sa mga restaurant at mobile food outlets.
Una nang iniulat ng PSA na umakyat sa 95.5% ang employment rate sa bansa nitong Setyembre ng 2023 o katumbas ng 46.67 milyong Pilipino na may trabaho.
Mas mataas ito kumpara sa 95% na employment rate noong 2022 bagamat bahagyang mas mababa kumpara sa bilang ng may trabaho noong Agosto. | ulat ni Merry Ann Bastasa