Paiigtingin pa ng Department of Transportation (DOTr) ang ipinatutupad nitong seguridad sa mga terminal ng bus upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mga pasahero nito.
Inihayag ito ng kagawaran kasunod ng insidente ng pamamaril sa dalawang pasahero ng isang bus sa Carranglan, Nueva Ecija na pabiyahe sanang Maynila.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ikinaalarma nila ang insidente lalo’t dapat maging isang ligtas na lugar ang mga bus para sa mga pasahero na ang layunin lamang ay bumiyahe.
Batay sa natanggap na ulat ng DOTr mula sa Philippine National Police (PNP) lumabas sa imbestigasyon na sakay din ng naturang bus ang mga salarin na walang habas na namaril sa mga biktima pagsapit ng mga ito sa Bayombong, Nueva Vizcaya buhat sa Isabela.
Dahil dito, ipinag-utos ni Bautista na higpitan ang ipinatutupad na seguridad lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan upang siguruhing ligtas na makauuwi sa kanilang mga lalawigan ang publiko para makasama ang kanilang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala