Pinangunahan ni Senado Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang plenary session ng 31st Asia Pacific Parliamentary Forum (APPF) tungkol sa political at security matters sa rehiyon.
Pinaalala ni Senador Bato sa mga member-parliamentarian sa naturang sesyon na hindi nila makakamit ang ninanais na pag-unlad kung hindi ikokonsidera ang seguridad at hustisya.
Sinabi ni Dela Rosa na bilang mga pinuno ng kani-kanilang mga bansa ay dapat nilang ikonsidera at maunawaan ang papel ng mabuti at nagkakaisang policy making sa pagtitiyak ng kapayapaan at seguridad.
Samantala, pinangunahan naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang APPF working group na nakatoka sa economic and trade matters.
Dito ay hinimok ni Gatchalian ang member-states na isulong ang human development at inclusive growth at gawing sentro sa usapin ang edukasyon at kalusugan.
Ayon kay Gatchalian, ang APPF ay oportunidad na nagbibigay ng pagkakataon na matuto mula sa ibang bansa, para magdisenyo ng mga paraan at polisiya at magbalangkas ng mga panukalang batas na magdudulot ng pag-angat ng antas ng ibang dimensyon ng kaunlaran.| ulat ni Nimfa Asuncion