Nagbanta si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na paiimbestigahan niya si Kabataan party-list Representative Raoul Manuel kaugnay ng alegasyon na miyembro umano ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at nagrerekrut ng mga kabataan sa rebeldeng grupo.
Sa naging pagdinig kasi ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ngayong araw, binahagi ng dating rebeldeng si Ivylyn Corpin na nakakasama nila dati sa pakikibaka si Manuel.
Binahagi naman ng isa pang dating rebelde rin na si Kate Raca na kasama niya noon sa UP diliman si Manuel na nagre-recruit ng mga estudyante para maging miyembro ng NPA.
Hindi naman na napigilian ni Senador Bato ang kanyang emosyon at nagbanta na iimbestigahan niya ang mga rebelasyong ito laban sa kongresista.
Iginiit ng senador na seryosong isyu ito dahil mambabatas ngayon si Manuel at may sinumpaan itong tungkulin sa bayan.
Kasabay nito ang tirada kay Manuel na kaya pala suportado nito ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa naging war on drugs ng nakaraang administrasyon, kung saan isa sa mga dawit si Dela Rosa.
Nang matanong naman tungkol sa parliamentary courtesy, bilang kapwa mambabatas ang nais niyang imbestigahan, giniit ni Senador Bato na ang kanyang pagmamahal sa bansa ay mas matimbang kaysa sa parliamentary courtesy.| ulat ni Nimfa Asuncion