Pinag-aaralan na ng kampo ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang posibilidad na pagsasampa ng kaso laban sa mga driver na gumamit ng kanyang pangalan nang masita sa EDSA busway kahapon.
Sa isang pahayag matapos sumuko ang dalawang driver sa MMDA, sinabi ni Revilla na bagamat pinapaubaya na niya sa MMDA ang pagsusulong ng legal action laban sa mga ito ay kinokonsidera na rin niya ang pagsasampa ng kaso.
Iginiit ng senador na una nang tiniyak sa kanya ni MMDA Chairperson Don Artes na ipapatupad nila ang batas at pagbabayarin ang mga lumabag sa batas trapiko.
Sa pagsuko aniya ng gumamit ng kanyang pangalan para makalusot sa panangutan, matitiyak na ng MMDA na mapaparusahan ang mga akusado.
Binigyang diin rin ng senador na kung may magandang naging bunga sa pangyayaring ito ay ang pagkakabunyag ng mga maling gawain na ginagawa ng isang partikular na tao sa MMDA na naniniwalang may kapangyarihan siyang pumili kung kanino lang maipapatupad ang batas. | ulat ni Nimfa Asuncion