Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na pabilisin ang pag-reset ng power distribution rate ng Manila Electric Corporation (MERALCO).
Ang panawagan na ito ng senador ay kasunod ng pahayag ni dating ERC Chairperson Agnes Devanadera sa isang pagdinig ng Kamara, na dati nang nakasanayan ng Meralco na sagutin ang pagpapasweldo sa mga consultant ng ERC na inatasang tumukoy ng weighted average cost of capital (WACC), na kalaunan ay nagre-reflect sa electricity bill ng mga consumer.
Gayunpaman, sa ngayon ay hindi na rin aniya ito ginagawa.
Ayon kay Gatchalian, hindi dapat na bayaran ng Meralco ang pagpapasweldo sa mga consultant ng ERC na tumatayong regulator.
Binigyang diin ng senador, na dapat suriing mabuti ng ERC ang mga bahagi ng pagtukoy sa WACC ng Meralco, na nananatili sa 14.97% simula pa noong 2015.
Iginiit ni Gatchalian, na dapat siguruhin ng ERC na patas at tama ang lahat ng babayaran na pinapasa ng distribution utilities (DUs) sa mga consumer.
Batay sa pinakahuling timeframe ng ERC, ang huling pagpapasya para sa fifth regulatory period rate reset para sa distribution utilities (DUs), kasama na ang Meralco ay sa Marso 2024. | ulat ni Nimfa Asuncion