Nababahala si Senador Sherwin Gatchalian sa napaulat na hostage taking sa labing pitong mga Pinoy seafarer sa Yemen.
Ayon kay Gatchalian, nakakaalarma ang sitwasyon kaya dapat nang kumilos agad ang pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga kababayan nating seaman.
Nanawagan rin ang senador sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at ang buong gobyerno na ligtas na mapalaya, makauwi ng Pilipinas at para sa pangkalahatang resolusyon sa distressing situation na ito.
Binigyang diin rin ni Gatchalian ang pangangailangan na magkaroon ng masusing imbestigasyon para matukoy ang motibo sa likod ng insidente at mapanagot ang mga responsable dito.
Sa paunang impormasyon ay mga Rebeldeng Houthi ang nasa likod ng hostage taking sa barko ng mga Filipino Seafarers na nasa Red Sea.| ulat ni Nimfa Asuncion