Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Departnent of Foreign Affairs (DFA) na gamitin ang lahat ng diplomatic channels at resources na mayroon ang ating bansa para matiyak ang agad na pagpapalaya sa mga Pinoy seafarer na bihag ng isang Yemeni rebel group.
Hinikayat rin ng senador ang Department of Migrant workers (DMW) na alalayan ang pamilya ng 17 Pinoy seafarers at bigyan sila ng kinakailangang tulong habang naghihintay ng rescue updates sa kanilang mga kaanak.
Pinatitiyak ni Hontiveros sa DMW na magkakaroon sila ng regular at transparent na komunikasyon sa mga pamilya ng mga nabihag na Pinoy seafarer at bigyan ang mga ito ng mental, emotional, at financial support.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailan na magkaroon ng isang komprehensibo at mas mainam na polisiya sa pagtugon sa mga banta at panganib na kinakaharap ng mga OFW, lalo na ng mga Marino, sa kanilang trabaho.
Kaya naman iginiit ng senador na napapanahon nang maisabatas ang Magna Carta of Seafarers Bill. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion