Para kay Senadora Imee Marcos, naghahanap lang ng gulo ang mga nananawagan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa pinatupad na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ang pahayag na ito ng senadora ay kasunod ng paghahain ni Senadora Risa Hontiveros ng resolusyon sa Senado na maghihikayat sa Malakanyang na makiisa ICC investigation.
Giit ni Senadora Imee, ang bagay na ito ay nasa pagdedesisyon na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinunto rin ng mambabatas na makailang beses nang sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi nito papayagang pumasok sa bansa ang international tribunal.
Sakali namang mapunta sa pinamumunuan niyang Senate Committee on Foreign Relations ang resolusyon ni Hontiveros ay handa naman aniya si Senadora Imee na dinggin ito.
Pero aminado si Marcos na hindi ito prayoridad sa ngayon sa dami ng ibang problemang kinakaharap ng ating bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion