Nanawagan si Senador Lito Lapid sa pamahalaan na paigtingin pa ang kampanya laban sa smuggling ng mga produktong pang-agrikultura gaya ng sibuyas, bawang, carrots, at bigas, lalo na ngayong Christmas season.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos ang konsultasyon niya sa mga magsasaka ng La Trinidad, Benguet kung saan pinabatid sa kanya ng mga magsasaka ang epekto ng smuggling sa kanilang buhay at hanapbuhay.
Giit ni Lapid, kailangang tapusin na ang problema sa smuggling upang hindi na maghirap ang mga magsasaka nating pangunahing nagpapakain sa atin at nagtitiyak ng seguridad sa pagkain ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng senador na dahil sa smuggling ay nawawalan na ng gana ang mga lokal na magsasaka na ituloy ang kanilang produksyon dahil nalulugi lang sila.
Kapag nagpatuloy ito, nangangamba ang senador na posibleng tuluyang mamatay ang local agriculture industry ng bansa.
Sa gitna ng mga isyung ito, tiniyak ni Lapid ang buong suporta niya para sa pagpapasa ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill o ang panukalang batas na magbibigay ng mas malakas na ngipin kontra sa smuggling ng mga produktong pang-agrikultura.
Sa kasalukuyan, nasa period of amendments na sa Senado ang naturang panukala. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion