Itinanggi ni Senadora Risa Hontiveros na mayroong pulitika sa likod ng paghahain niya ng resolusyong nananawagan sa malakanyang na makiisa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) tungkol sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Una nang sinabi ni Hontiveros na nahikayat siyang ihain ang resolusyon na ito kasunod ng mga development sa kamara, kung saan tinatalakay na ang kapareho ng resolusyon na inihain niya.
Gayundin aniya ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos jr. na pag-aaralan ng administrasyon ang posibleng pagsali muli ng bansa sa ICC
Itinuturing ng senadora na welcome change ang huling pahayag ng Pangulo.
Giit ni Hontiveros, hindi politically motivated ang ginawa niyang hakbang.
Pinunto ng mambabatas na naging mini tradition na ang panawagan niyang ito mula pa nang mamatay si Kian delos Santos
Kung timing lang din aniya ang pag-uusapan, pitong taon nang delayed ang resolusyon na ito para sa mga pamilya at mga naulila ng mga naging biktima ng kampanya kontra ilegal na droga. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion