Sinimulan na ang Bicameral Conference Committee meeting para mapagkasundo ang bersyon ng Kamara at Senado ng panukalang 2024 national budget.
Sa pahayag ni Senate Committee on Finance Sen. Sonny Angara sa pagbubukas ng bicam meeting, sinabi ng senador na sa pagbuo ng Kongreso ng magiging pinal na bersyon ng 2024 budget ay titiyakin nilang matutugunan ang posibleng maging epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ng mga kaguluhan sa ibang bahagi ng mundo.
Kabilang na dito ang posibleng maging epekto sa merkado at mga negosyo ng mga nagiging giyera.
Kinumpirma naman ni Angara, na hindi ginalaw ng Senado ang hiling na confidential and intelligence fund (CIF) ng Office of the President (OP).
Sinabi ng senador, na nagkaroon sila ng diskusyon tungkol dito at pinahayag ng Malacañang na kailangan nila ang pondong ito lalo na bilang paghahanda sa mga posible pang mangyari.
Sa ngayon, aminado si Angara na marami pang dapat i-reconcile sa Senate at House version ng panukalang pambansang pondo.
Sa panig ng senado, kabilang sa mga dumalo sa bicam sina Angara, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senator Cynthia Villar, Nancy Binay, Cynthia Villar, Sen. Bato Dela Rosa, Bong Go, Francis Tolentino, at JV Ejercito.
Target ng Kongreso na mapaaprubahan at mapapirma ang 2024 GAB bago ang official trip ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Japan. | ulat ni Nimfa Asuncion