Pinapanukala ni Senador Alan Peter Cayetano na gawing dalawa o tatlong taon ang budget cycle ng Commission on Elections (Comelec) para masimulan na nito ang paghahanda para sa 2025 Midterm Elections.
Sa plenary debate para sa 2024 budget ng poll body, pinunto ni Cayetano na kung sa taunang budget ay mahihirapan ang Comelec na makapaghanda para sa midterm elections dalawang taon mula ngayon.
Kung sakali kasi, ang pondo para sa paghahanda at pagsasagawa ng midterm elections ay dapat lang isama sa 2025 General Appropriations Law na matatapos at maaprubahan sa Disyembre pa ng 2024.
Magiging epektibo lang ito sa January 2025 samantalang Mayo 2025 na gagawin ang halalan.
Pinunto ng mambabatas na ang nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay naging matagumpay dahil nagkaroon ang Comelec ng sapat na panahon para maghanda bilang Oktubre pa ito isinagawa.
Dinagdag rin ni Cayetano na dapat isa-alang-alang ng pamahalaan ang ilang posibleng mga bagay na maaaring makaapekto sa botohan.
Kaugnay nito, hinimok ng independent senator ang mga kapwa niya senador na humanap ng legal na paraan para maibigay sa poll body ang lahat ng kailangan nito ngayong taon nang hindi na kailangang hintayin pa ang January 2025 bago makapag-bid ng mga gagamitin sa botohan.| ulat ni Nimfa Asuncion