Ipinahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kung maaari ay ang Japan na lang sana ang humawak ng major infrastructure projects ng Pilipinas na dapat ay popondohan ng China.
Ginawa ni Zubiri ang pahayag sa gitna ng inaasahang pagbisita ni Japanese Prime Minister Kishida Fumio sa Pilipinas.
Kasama sa naturang pagbisita ang pagharap ni Kishida sa Joint Session ng Kongreso sa Sabado.
Kabilang sa nais na marinig ni Senate President mula sa magiging talumpati ni Kishida ay ang pagsusulong para sa Reciprocal Access Agreement (RAA) sa Pilipinas para mapahintulutan ang ating mga tropa na makapagsanay sa Japan at sa Pilipinas.
Ito ay para magkaroon ang dalawang bansa ng mas mainam na kooperasyon at interoperability.
Gayundin aniya ang posibleng pagdadagdag ng loan para i-take over na ng Japan ang mga naunsiyaming proyekto ng Chinese government sa Pilipinas.
Naniniwala si Zubiri na dapat nang hayaan ang Japan na pangasiwaan ang mga proyektong ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion