Aabot na sa 466,000 ang bilang ng mga indigent senior citizen na naghihintay na mapasama sa listahan ng mga benepisyaryo ng social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa plenary deliberation ng Senado, ibinahagi ng sponsor ng DSWD budget na si Senator Imee Marcos na mula sa dating 228,000 lang na nasa waiting list ay dumoble na ito ngayon sa 466,000.
Gayunpaman, aminado ang senator na hindi pa rin madadagdagan ang apat na milyong mahihirap na senior citizen na benepisyaryo ngayon ng social pension dahil sa kakulangan ng pondo.
Kahit kasi gawing halos P50 billion o doble ng kasalukuyang pondo na P25 billion ang alokasyon para sa social pension program….ipinaliwanag ni Marcos na ito ay para sa pagpapatupad ng batas na nagdodoble sa halaga ng buwanang pensyon ng mga mahihirap na senior citizen sa P1,000 mula yan sa dating P500 lang (RA 11916).
Ayon kay Marcos, naglagay na sila ng P3 billion sa unprogrammed fund bilang dagdag sa alokasyon ng naturang programa.
Gayunpaman, wala pang kasiguraduhan ang pondong ito dahil ang unprogrammed funds ay hinuhugot mula sa sobrang revenue ng gobyerno o mula sa dagdag na grants o foreign funds. | ulat ni Nimfa Asuncion