Nais ng isang mambabatas na magkasa ng pagsisiyasat ang Kamara kaugnay sa naitalang mga kaso ng karahasan, at iba pang krimen na nangyari sa kasagsagan ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Sa ilalim ng House Resolution 1497 ni Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez, hinihiling sa House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Suffrage and Electoral Reforms na imbestigahan kung nagkaroon ng kabiguan o kakulangan ang awtoridad kaugnay sa pagsisiyasat sa mga insidente
Batay aniya sa datos ng COMELEC, hanggang nitong October 31 ay aabot sa 19 na indibidwal ang namatay sa panahon ng BSKE.
Habang nasa 19 na tao ang sugatan, mula August 28 hanggang October 30.
Mayroon ding naitalang 29 “validated” na election-related violence, samantalang iniimbestigahan pa ang nasa isang 113 na kaso ng karahasan upang matukoy kung may kinalaman ba sa nagdaang halalan.
Diin ni Suarez, kailangan ng patas at “impartial” na imbestigasyon at maparusahan ang mga salarin lalo na ang masterminds, upang maisulong ang integridad at “accountability” sa hanay ng electoral stakeholders at maiwasan na ang anumang karahasan sa mga susunod na halalan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes