Hindi na pwedeng sumali sa anumang bidding patungkol sa eleksyon ang kumpanyang Smartmatic.
Ang Smartmatic ang technology service provider ng bansa mula noong 2010.
Sa 23 pahinang resolusyon ng Comelec en banc, nakasaad na ang diskwalipikasyon sa Smartmatic ay may kinalaman sa kwestyunableng integridad nito na maaaring makaapekto sa electoral process sa bansa.
May kaugnayan ito sa kinakaharap na kaso ni dating Comelec Chair Andres Bautista sa Estados Unidos sa isyu ng panunuhol umano ng Smartmatic.
Nakasaad sa resolusyon ng Comelec, na public knowledge ito at maaaring magdulot ng ispekulasyon at kawalang tiwala sa proseso ng halalan.
Sa separate opinion naman iginiit ni Comelec Comm. Aimee Ferolino, na dapat nabigyan muna ng pagkakataon ang Smartmatic na sagutin ang isyu.
Ang basehan kasi ng resolusyon ng en banc ay petisyon patungkol sa kwestyunableng integridad ng Smartmatic, dahil sa napaulat na pakikipagkita ng mga opisyal nito sa isang presidential candidate noong 2022 elections.
Ipinauubaya naman ng en banc sa Special Bids and Award Committee, ang pag-blacklist sa Smartmatic sa lahat ng procurement process.
Muli namang nanindigan ang Comelec na walang iregularidad sa ginanap na May 2022 elections. | ulat ni Michael Rogas