Itinutulak ngayon ni House Committee on Health Vice Chairperson at Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes na gamitin ang sobrang pondo ng PhilHealth pampatayo ng dagdag ospital at health centers.
Kasunod na rin ito ng pagtalakay sa plenaryo ng
House Bill 9513 kung saan gagamitin na rin ang sobrang kita ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) pampondo sa mga proyekto sa ilalim ng “unprogrammed funds” sa 2023 National Budget.
Ani Reyes, mas mabuting ilaan sa pagpapagawa ng mga kinakailangang pagamutan at klinika ang sobrang pondo kaysa sa malalaking bonuses ng kanilang executives.
Tinukoy pa nito na sa kasalukuyan, nasa ₱400-billion ang reserbang pera ng Philhealth gayong dapat ay ₱200-billion lang ito.
“We are proposing to realign what is given to PhilHealth to be returned for the construction of much needed hospitals at nang hindi sa mga malalaking bonuses ng kanilang executives napupunta ang pondo na para sa ating healthcare system. Based on their guidelines, dapat mga ₱200-billion lang ang reserve nila. Right now they are at more than ₱400-billion. Imagine how many hospitals at health centers mapapagawa sa ₱200-billion,” sabi ni Reyes.
Hirit din ni Reyes na i-realign ang sobrang budget ng Philhealth para sa “hiring” o dagdag sweldo ng mga medical personnel ng gobyerno.
Aniya, hindi kakayanin ng bansa na tugunan ang isa pang pandemiya kung magtuloy-tuloy ang brain drain, o pangingibang bansa ng health professionals.
“I think we all can agree na mas deserve ng ating mga healthcare workers ang umento sa sahod at benepisyo. We cannot afford to scrape or scramble for crumbs left by brain drain when the country is hit by the next pandemic,” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes