Ibinida ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa member parliaments ng Asia Pacific region ang nilikhang Maharlika Investment Fund (MIF) ng Pilipinas.
Sa mensahe ni Zubiri sa inaugural ceremony ng 31st Annual Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) ay pinunto nito na kabilang sa mga prayoridad ngayon sa Asia pacific ay ang wakasan ang kahirapan.
Dito na ipinagmalaki ni Zubiri na sa Pilipinas ay gumamit ang ating pamahalaan ng whole-of-government approach para matugunan ang kahirapan.
Sa ilalim aniya ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay naging malikhain at gumamit ng estratehiya ang pamahalaan para humanap ng paraan kung papaano ma-maximize ang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Isang paraan aniya itong pag-consolidate sa hindi nagagamit na resources ng pamanhalaan sa isang sovereign wealth fund, ang Maharlika Investment Fund, na idinisenyo para suportahan ang mga priority program ng ating gobyerno.
Kaugnay nito, nanawagan si Zubiri sa mga parliament, na umaksyon para makapagbigay ng dagdag na safety nets sa mga mahihirap at mga nasa middle class, at gumawa ng mga oportunidad para matugunan ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin. | ulat ni Jaymark Dagala