Nais ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magkaroon ng exemption ang Defense Department sa procurement law para mabili ng ating Sandatahang Lakas ang pinakaepektibo at episyenteng kagamitan.
Sa plenary deliberation ng panukalang 2024 budget ng Department of National DEFENSE (DND), sinabi ni zubiri na isusulong niya ang pagkakaroon ng special provision sa 2024 GAA para ma-exempt ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa procurement law.
Paliwanag ni Zubiri, pagdating sa pagbili ng mga kagamitan para sa pagdepensa sa bansa ay hindi laging the best ang pinakamurang kagamitan.
Pinapanukala rin ng senate president na ma-exempt ang defense department sa paglilista at pagsasapubliko sa PhilGEPS (Philippine Government Electronic Procurement System) ng bibilhin nilang mga kagamitan.
Aniya, kapag naiposte kasi sa PhilGEPS ang kanilang bibilhing mga kagamitan ay malalaman at mapaghahandaan ito ng kalaban.
Inamin naman ni Zubiri na hindi sinang-ayunan ni Budget Secretary Amenah Pangamdaman ang panukala niyang ito dahil mas nais ng kalihim na ayusin na sa pangkalahatan ang pag-amyenda sa procurement law.
Gayunpaman, umapela si Zubiri kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na ikonsidera ang pinapaukala niyang special provision para maipatupad agad ito ng defense department sa bibilhin mga kagamitan sa susunod na taon.
Hiniling rin ng senate leader ang tulong ni DND Secretary Gibo Teodoro na hindi ma-veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pinapanukala niyang special provision sakaling maisama ito sa pinal na bersyon ng 2024 GAB.| ulat ni Nimfa Asuncion