Kinilala ni Speaker Martin Romualdez ang administrasyong Marcos sa pagsusumikap nito na masiguro ang ligtas na pagpapalaya kay Noralin Babadilla mula sa pagkakabihag ng grupong Hamas.
Aniya, labis ang kaniyang pagkasiya na makakabalik na si Babadilla sa kaniyang pamilya.
“Our gratitude is beyond words. Nevertheless, this means the government is doing its best to rescue any OFW from harm’s way. Our goal is for them to be safe and, if possible, to be reunited with their families back home,” saad ni Speaker Romualdez.
Pinasalamatan din ni Romualdez ang malaking tulong ng mga bansang Israel, Egypt, at State of Qatar sa kanilang malaking papel para maisakatuparan ang pagpapalaya ni Babadilla.
Si Babadilla at ang caregiver na si Gelienor “Jimmy” Pacheco ay dinukot at ginawang hostage ng grupong Hamas noong Oktubre 7.
Si Pacheco ay pinalaya noong nakaraang linggo ng naturang Palestinian militant group habang si Babadilla ay kasalukuyang nasa Israel na.
Sa hiwalay naman na pahayag ni OFW party-list Rep, Marissa Magsino, sinabi nito na lubos ang kaniyang kaligayahan sa ligtas na paglaya ni Babadilla.
Patuloy din aniya silang kaisa sa pagdarasal para sa tuluyang pag-resolba ng kaguluhan sa Israel para na rin sa kaligtasan ng ating mga kababayang naroroon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes