Simple lang ang tugon ni Speaker Martin Romualdez nang matanong ng media tungkol sa umano’y destabilization plot laban sa administrasyon.
Para sa House leader, na pinsan din ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., kumpiyansa siyang mananaig ang rule of law sa bansa.
“Nagsalita na yata si [Armed Forces of the Philippines] Chief-of-Staff General [Romeo] Brawner kaya doon na lang tayo, iiwan na lang natin sa salita na lang niya. We are very confident that tama (yes), the rule of law will prevail in this society we have.” ani Romualdez.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner na misquoted lamang ang kaniyang pahayag.
Aniya mayroon silang naririnig na mga ulat ng distabilization efforts ngunit walang kongkretong plano.
“I was taken out of context. Yung sinabi ko, I did not mention about destabilization plot. Kasi pag sinabi nating plot, parang plano na ito na ie-execute nalang. Ang sinabi ko during my statement was that may mga naririnig tayo na mga ugong ugong ng mga destabilization efforts. ‘Yun yung specific word na ginamit ko, so I did not use the word ‘plot’,” paliwanag ni Brawner.
Binanggit niya aniya ito sa kaniyang talumpati noong Nobyembre 3, para paalalahanan ang unipormadong hanay na maging tapat sa sinumpaang tungkulin.
“I was reminding them na dapat bilang mga sundalo, we should take our oath, yung oath na ginawa namin seriously. That we would protect the constitution and the duly constituted authorities at hindi dapat kami sumasali sa kahit ma ano pang mga movements na mayroon diyan.” dagdag ni Brawner. | ulat ni Kathleen Jean Forbes