Ilulunsad na rin ang KaSSSangga Collect Program ng Social Security System o SSS sa Quirino Memorial Medical Center.
Kasunod ito ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng SSS at ng QMMC para sa pagarangkada ng programa sa naturang ospital.
Pinangunahan ngayong umaga nina SSS Branch Operations Sector Exec. VP Atty. Voltaire Agas, SSS NCR North Division VP Fernando Nicolas at QMMC Medical Center Chief II Dr. Evelyn Victoria Reside ang isinagawang MOA signing sa QMMC sa Quezon City.
Sa tulong ng programang ito, mapagkakalooban ng active SSS membership ang mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) workers ng ospital na hindi sakop ng GSIS.
Maaari ring maging voluntary member maging ang mga regular na empleyado ng QMMC.
Tinatayang hindi bababa sa 200 JO/COS workers at 1,500 medical professionals gaya ng mga doktor, nurses, xray technicians, radiologists, atbp., ng Quirino Memorial Medical Center ang makikinabang sa KaSSSangga Collect Program.
Itatalaga ang Quirino Memorial Medical Center bilang authorized Coverage and Collection Partner na siyang mangongolekta at magre-remit ng buwanang kontribusyon ng kanilang mga JO at COS workers sa pamamagitan ng salary-deduction scheme.
Ayon kay QMMC Medical Center Chief II Dr. Evelyn Victoria Reside, malaking tulong ang programa para sa mga healthcare worker ng ospital dahil sa ibinibigay nitong pagkakataon na makatanggap sila ng iba’t ibang social security benefits tulad nalang ng sickness, maternity, disability, retirement, death at funeral, kasama ang loan privileges at employee’s compensation benefits.
Sinabi naman ni SSS Branch Operations Sector Exec. VP Atty. Voltaire Agas na nagpapatunay ang kolaborasyong ito na hindi pinapabayaan ng QMMC ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa. | ulat ni Merry Ann Bastasa