Dalawa ang kumpirmadong patay matapos ang sunog na sumiklab sa Barangay San Dionisio sa Parañaque City.
Sa ngayon ay naisakay na sa funeral service ang mga bangkay ng mga biktima.
Ayon kay Fire Superintendent Eduardo Loon, hepe ng Parañaque City Fire Station, kinilala ang mga biktima na sina Salud Belmonte, 69-na taong gulang at Bryan Belmonte, 42-taong gulang.
Sa panayam natin sa isa sa mga tauhan ng punerarya, sinabi niya na nakita nila ang isa sa katawan na nasa loob ng banyo habang ang isa naman ay nasa sala.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Parañaque City Fire Station, nagsimula ang sunog dakong alas-12:36 ng hatinggabi.
Dahil sa dikit-dikit ang mga bahay ay agad na itinaas sa ikatlong alarma dakong alas-12:54 ng hatinggabi.
Tumagal ng mahigit dalawang oras ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-3 ng madaling araw.
Tinatayang aabot sa 20 bahay o mahigit 40 pamilya ang apektado sa nangyaring sunog.
Gayunman, patuloy pa na inaalam kung magkano ang halaga ng napinsalang ari-arian at kung ano ang pinagmulan ng apoy. | ulat ni AJ Ignacio