Ramdam na ng mga mamimili sa Pasig City Mega Market ang epektong dulot ng ipinatupad na fishing ban ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng mga nagtitinda ng isda roon na mga frozen na galunggong na lamang ang kanilang ibinebenta dahil sa isang linggo na silang walang makuhang suplay ng sariwang galunggong.
Gayunman, inaasahan naman na ito ng mga tindero lalo’t karaniwan talagang matumal ang huli ng isda sa tuwing papalapit na ang buwan ng Disyembre.
Una nang ipinatupad ng BFAR ang Closed Fishing Season sa karagatang sakop ng Palawan na tatagal hanggang January 31 ng susunod na taon.
Sa kasalukuyan, aabot sa ₱240 kada kilo ang bentahan ng frozen galunggong dahil sa kawalan ng sariwang suplay nito. | ulat ni Jaymark Dagala