Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makakaasa ng tulong mula sa ahensiya ang mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao kahapon.
Bukod sa family food packs at relief goods, magbibigay din ng cash assistance ang DSWD para sa mga pamilyang nasiraan at nawalan ng bahay.
Sa ngayon, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na wala pa silang natatanggap ng eksaktong bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng lindol, partikular sa Region 10, 11 at 12.
Ayon kay Asec Lopez, nagkaroon umano ng problema sa komunikasyon ang mga field office ng DSWD para makapagbigay ng detalye hanggang kagabi.
Umaasa itong makakakuha na ng update mula sa Mindanao hanggang ngayong hapon.
Batay sa paunang ulat, mahigit sa 320 indibidwal sa General Santos ang naospital dahil sa tinamong injury at 34 sa kanila ang nakalabas na.
Iniulat din na may anim (6) na katao ang casualty at tinutukoy pa ito ng field offices para mabigyan ng kaukulang tulong ang mga pamilya. | ulat ni Rey Ferrer