Binatikos ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez ang umano’y pagsasabwatan ng Meralco at Energy Regulations Commission dahil bigo ang mga ito na i-refund sa mga customer ang sobra-sobrang singil sa kuryente.
Sa kaniyang privilege speech sa plenaryo, sinabi ni Fernandez na masyadong mataas ang weighted average cost of capital o WACC ng Meralco na ipinapapasa nila sa kanilang mga customer.
Giit ng mambabatas hindi nila kinalkula ang kanilang weighted average of capital na gastos mula noong 2015 hanggang sa taon na ito at ibinase na lamang umano sa itinakdang 14.97% na tubo pa noong 2010.
Inakusahan ng lawmaker ang Meralco na may mga kasabwat sa ERC para mas makakuha ng malaking kita dahil base sa kanilang kita dapat ay nasa 9.23% lamang ang kanilang WACC pero ang sinisingil nila ay base pa rin sa lumang porsyento.
Inakusahan din nito ang kumpanya na “economic saboteurs” dahil hindi sila umano sumusunod sa Renewable Energy Act of 2008.
Diin ng Sta Rosa solon, ibalik ng cash ang mga sobra-sobrang bayad ng Meralco consumers. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes