Dumating na sa Pilipinas ang unang batch ng mga Pilipino mula sa Gaza Strip.
Eksakto alas-4:20 ng hapon lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang Quatar Airways Flight QR932 sakay ang 34 na mga Pilipino at isang Palestinian mula sa Gaza.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega, kabilang ito sa 40 Pilipino na nakatawid sa Rafah border crossing noong Martes. Anim ang naiwan sa Cairo, Egypt dahil ang tatlo rito ay may mga asawang Egyptian citizen, at ‘yung tatlo na naiwan ay dahil buntis ‘yung misis kaya matatagalan ng kaunti ang kanilang pagbalik sa bansa.
Sinabi ni De Vega, karamihan sa mga uuwi sa mga Pilipino ay Philippine passport holders at mga anak ng Pilipino at Palestinians.
Makatatanggap din ng tulong mula sa pamahalaan ang mga umuwing Pilipino mula sa Gaza, pero hindi katulad ng mga OFW benefit. Ani De Vega, nakatanggap na ng 1,000 dollars sa Cairo pa lang ang kada pamilya, at magbibigay din ng tulong ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development, at maaari ring makatanggap ng tulong mula sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan.
Inaasahan naman, na nasa 42 Pilipino ang uuwi sa bansa mula sa Gaza sa susunod na linggo na kabilang sa ikalawang batch. | ulat ni Diane Lear