Inilatag ni Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada ang isyu sa West Philippine Sea (WPS) at South China Sea sa ginawang plenary session tungkol sa political at security matters sa 31st Asia Pacific Parliamentary Forum (APPF).
Si Estrada ang nagsilbing kinatawan ng Pilipinas sa naturang plenary session, na pinamunuan naman ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Sa harap ng member-parliamentarians, kabilang ang kinatawan ng China, binigyang diin ni Estrada ang sovereign rights at hurisdiksyon ng Pilipinas sa WPS.
Iginiit ng senador, na bilang mga kinatawan ng kani-kanilang mga bansa ay nararapat lang na ilatag nila ang seryosong concern sa mga development sa WPS, dahil may potensyal itong makaapekto sa peace at stability sa rehiyon.
Kailangan aniyang talakayin ang isyung ito ng may diplomasya at urgency.
Binigyang linaw naman ni Estrada, na sa paglalatag ng mga concern na ito ay hindi layong manisi o magkampihan.
Bagkus, layon nitong salaminin ang kanilang commitment sa paninindigan sa isang rules-based international order.
Hinimok rin ng senador ang lahat ng partido sa territorial disputes sa South China sea, na iprayoridad ang pakikipagdiyalogo kaysa sa komprontasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion