Nakiisa ang Vietnam sa Pilipinas sa panawagan sa lahat ng bansa na itaguyod ang rules-based international order sang-ayon sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).
Ito’y sa isinagawang 5th Philippines-Viet Nam Vice Ministers’ Defense Strategic Dialogue (VMDSD), kasunod ng 64th Defense Cooperation Working Group (DCWG) meeting sa Hanoi, Vietnam.
Dito ay kapwa inihayag ng Pilipinas at Vietnam na ang situasyon sa West Philippine Sea ay hindi lang alalahanin ng iilang mga bansa, kung hindi ng lahat ng bansa sa rehiyon.
Ang pagpupulong ng mga senior defense official ng dalawang bansa ay kapwa pinangunahan ni Department of National Defense (DND) Senior Undersecretary Irineo C. Espino at Deputy Minister of National Defence of Viet Nam Senior Lieutenant General Hoang Xuan Chien.
Napagkasunduan ng dalawang delegasyon na dalasan ang high-level exchange visits, information sharing, education at training exchanges, at service-to-service engagements, sa pagitan ng dalawang bansa. | ulat ni Leo Sarne