Pinangunahan ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte ang inagurasyon at turnover ng last mile school building sa lalawigan ng Catanduanes ngayong Huwebes, Nobyembre 23.
Isang bagong 4-classroom building na nagkakahalaga ng higit P20 million ang ipinagkaloob sa Dororian National High School sa bayan ng Gigmoto, sa ilalim ng Last Mile Schools (LMS) program ng DepEd.
Sa mensahe ni VP Sara, sinabi nitong hinihiwalay nila ang pondo para sa naturang programa dahil prayoridad ngayon ng ahensya na tulungan ang ‘last mile schools’, partikular ang mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
Tinatawag na ‘last mile schools’ ang mga paaralan na kulang sa classroom at iba pang pasilidad, may multi-grade classes na gumagamit lamang ng makeshift o mga non-standard na kwarto para makapag-klase, hindi napondohan para sa bagong konstruksyon o repair ng school buildings, malayo sa sentro at mahirap i-access dahil sa mahirap na lokasyon o di kaya’y daanan patungo sa paaralan.
Laking pasasalamat naman ng mga taga-Dororian sa bagong pasilidad na ito dahil sa lumipas na 45 taon ay tanging 5 classrooms lamang ang ginagamit doon ng salitan ng halos 200 estudyante.
Lubos din ang kagalakan at pasasalamat ng teaching at non-teaching staff ng nasabing paaralan na tumanggap ng mga laptop at bigas mula kay VP Sara bilang pasasalamat sa kanilang dedikasyon at mga sakripisyo.
Samantala, dumalo rin sa okasyon si Senator Imee Marcos, na kasamang dumating ni VP Sara sa Catanduanes ngayong araw para sa isinagawang AICS distribution at tree planting activity sa bayan ng Virac. | ulat ni Juriz dela Rosa | RP Virac