Naghahanda na ng mga serye ng aktibidad ang Zamboanga-Basilan Integrated Development Alliance (ZABIDA) para sa selebrasyon ng Mindanao Week of Peace sa lungsod ng Zamboanga nitong taon.
Kabilang sa mga serye ng aktibidad ang pagbibigay-pugay sa mga pagsisikap ng iba’t ibang sektor sa pagbuo ng kapayapaan at pagkakasundo ng iba’t ibang kultura sa lungsod, Young Peaceweavers at Peaceweavers Awards, dalawang araw na peace forum, talakayan patungkol sa Anti-Violence Against Women at selebrasyon ng International Human Rights Day.
Ayon kay ZABIDA Chairperson Atty. Jose Manuel Mamauag, magsisimula ang Mindanao Week of Peace sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 6 nitong taon kung saan inaasahang magsisilbing panauhing pandangal si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (PAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. sa isasagawang grand opening sa Paseo del Mar.
Inaasahan din ang libo-libong mga mag-aaral at guro mula sa mga pribado at pampublikong paaralan, sektor ng seguridad, mga kawani ng pamahalaan, religious leaders, mga miyembro ng civil society organizations at marami pang iba ang makikiisa sa naturang selebrasyon.
Suportado din ng City Ordinance No. 552 ang selebrasyon kung saan idinideklara ang huling Huwebes ng Nobyembre hanggang unang Miyerkules ng Disyembre bawat taon bilang paggunita sa Mindanao Week of Peace upang ipagdiwang ang mga pagsisikap ng lungsod sa pagbuo ng mapayapa at nagkakaisang komunidad.| ulat ni Justin Bulanon| RP1 Zamboanga