Lubog pa rin sa baha ang 125 lugar sa Bicol at Eastern Visayas na nakaranas ng malakas na pag-ulan sa mga nakalipas na araw dahil sa Low Pressure Area at Shear Line.
Batay ito sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong umaga.
Samantala, sinabi naman ng NDRRMC na humupa na ang baha sa 248 mga lugar partikular na sa CALABARZON, MIMAROPA, Region 6, at ilang bahagi ng Bicol at Eastern Visayas Region.
Umabot naman sa mahigit ₱120-milyong piso ang iniulat na pinsala sa agrikultura sa CALABARZON, Region 6 at Region 8.
Patuloy naman ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong lugar.
Ayon sa NDRRMC, may kabuuang ₱68.8-million na ang naibigay na tulong ng pamahalaan sa mga residenteng binaha at nagsilikas. | ulat ni Leo Sarne
📸: PCG