Kinumpirma ng San Juan Municipal Police Station na hanggang sa ngayon ay hindi pa nahahanap ang dalawang biktima ng magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa San Juan, La Union.
Noong Disiyembre 26, 2023 dalawang menor-de-edad na taga-Benguet ang nalunod sa Barangay Taboc, San Juan, La Union.
Ang isa sa mga ito na 12-anyos ay dead-on-arrival sa pagamutan habang ang isa ay pinaghahanap hanggang sa kasalukuyan.
Kahapon naman, Disiyembre 27, isa pang insidente ang nangyari sa Urbiztondo, San Juan at ang mga biktima ay parehong lalaki na residente ng Baguio City.
Batay sa panayam ng Radyo Pilipinas-Agoo sa San Juan PNP, ang isa sa mga ito na 19-anyos ay nahanap kaninang 8:20 AM habang ang kasama niyang 21-anyos ay nawawala hanggang sa ngayon.
Dahil dito, patuloy ang Search and Retrieval Operations na isinasagawa ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad para sa mga biktima.
Magugunitang kahapon ay naglabas si San Juan Mayor Arturo P. Valdriz ng kautusan para sa pagsasara sa mga beach at pagsuspinde sa water activities sa San Juan, La Union dahil sa mga malalakas na alon na patuloy na nararanasan. | ulat ni Glenda B. Sarac | RP Agoo
📷: MDRRMO San Juan, La Union