Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa nangyaring hacking incident sa kanilang Facebook page.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles, hinihintay na lamang nila ang final report hinggil sa insidente.
Iniimbestigahan na rin aniya ang tatlong administrator ng kanilang social media accounts na siyang may-access sa kanilang FB page.
Sa ngayon, tinitingnan nila ang anggulong negligence o kapabayaan ng tatlo sa paghawak ng FB page ng ahensya dahilan upang mapasok ito ng malware o hackers.
Dagdag pa ni Robles, hindi pa nila sinususpinde ang tatlo nilang social media admin subalit kapag lumabas na ang pinal na ulat at napatunayan ang kanilang pagkakasala, tiyak na sila’y maparurusahan.
Magugunitang sumambulat sa netizens kamakailan ang mga malalaswang larawan sa ‘my day’ features ng kanilang FB page. | ulat ni Jaymark Dagala