Ubos ang daliri ng isang apat na taong batang lalaki mula Central Luzon matapos maputukan ang kanang kamay nito ng ipinagbabawal na paputok na dart bomb.
Ang batang lalaki ay kasama sa walong pinakabagong kaso ng mga fireworks-related injury na inilabas ng Department of Health (DOH).
Maliban sa pinsala sa kamay, natamo rin ng biktimang bata ang sugat sa kanyang leeg.
Sa kabuuan, may 115 kaso na ng mga naputukan ang naitatala ng DOH sa buong bansa.
Nananatili pa ring pinakamaraming kaso sa Metro Manila, na sinusundan ng Central Luzon, Ilocos Region, Soccsksargen, at Calabarzon.
Ayon sa pahayag ni DOH Usec. Eric Tayag sa isinagawang Hospital Preparedness and Response Rounds ngayong araw, nananatiling mababa ang bilang ng mga kaso ngayong taon ng mga naputukan kumpara noong 2022 kung saan umabot sa 307 ang kanilang naitala.
Dagdag pa ni Tayag, kung magtutuloy-tuloy ang trend ng mga kaso ng mga naputukan ay maaaring hindi na lumagpas ang bilang ng mga ito sa 400 kada taon.
Hinikayat naman ng Undersecretary na gumamit na lamang ng ibang pampaingay tulad ng torotot sa pagsalubong ng bagong taon kaysa sa paggamit ng paputok o makilahok sa mga community fireworks display na isasagawa ng kani-kanilang LGU. | ulat ni EJ Lazaro