Idinetalye ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang ilang institutional ammendments sa niratipikahang panukalang 2024 national budget na magbibigay ng dagdag na pwersa sa defense posture ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Binigyang diin ng Senate leader na kinakailangan nang iupgrade ang kakayahan ng ating tropang nagpapatrolya sa WPS sa gitna ng bullying at agression ng China sa ating mga kababayan sa naturang bahagi ng teritoryo.
Ayon kay Zubiri, kasama sa inaprubahang bersyon ng Kongreso ng 2024 GAB ang pagkakaroon ng dagdag na P10.47-billion para sa pag upgrade ng defense capabilities at palakasin ang presensya ng ating bansa sa WPS.
Partikular ang dagdag naP 6.17-billion pesos para sa Philippine Navy; 2.8 billion pesos para sa Philippine Coast Guard; P1-billion para sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA); at P500-million para sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinabi ng Senate leader na gagamitin ang mga pondo para sa pagbili ng mga dagdag na patrol ships at iba pang defense equipment.
Ibinahagi rin ni Zubiri na kasama rin sa panukalang 2024 budget ang pondo para sa pagtatatag ng isang Marine Research Center sa mga isla ng WPS na mapapasailalim ng DENR.
Ang mga research center na ito ay inaasahang magpapalakas sa karapatan ng Pilipinas sa mga isla sa WPS at ang ating Exclusive Economic Zone (EEZ) sa WPS alinsunod sa 2016 ruling ng United Nations Permanent Court of Arbitration. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion