Sinuportahan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng ₱22-milyong pisong grant ang 6th National Conference of Drug Abuse Coalitions na idinaos sa Biñan, Laguna mula Lunes hanggang Miyerkules.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng mga kinatawan ng U.S. Embassy in the Philippines’ Office of International Narcotics and Law Enforcement Affairs (INL), Community Anti-Drug Coalitions of America at lokal na pamahalaan ng Biñan City.
Dumalo sa aktibidad ang mahigit 130 delegado na inorganisa ng Association of Anti-Drug Abuse Coalitions of the Philippines, Inc. (AADAC) at Community Anti-Drug Coalitions of America (CADCA).
Dito’y nagsanay sila sa iba’t ibang pamamaraan para mapalakas ang mga community drug prevention strategy, at nagpalitan ng “best practices.”
Sa pambungad na palatuntunan, sinabi ni Dangerous Drugs Board Secretary Catalino Cuy na ang kumperensya ay sumusuporta sa drug demand reduction programs alinsunod sa Philippine Anti-Illegal Drugs Strategy.
Tiniyak naman ni INL Director Kate Riche ang patuloy na suporta ng Estados Unidos sa pagpapaunlad ng mga anti-drug coalition. | ulat ni Leo Sarne