Aprubado na ngayon ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga sa pwesto ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa.
Matatandaang ito na ang ikalawang beses na pagharap ni Herbosa sa CA matapos itong maabutan ng session break at ma-bypass noong setyembre dahil nakulangan ng oras ang mga mambabatas sa pagtatanong sa kalihim.
Agad namang tinalagang muli sa pwesto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Herbosa.
Unang itinalaga si herbosa bilang DOH secretary noong Hunyo 2023 kapalit ni DOH officer-in-charge undersecretary Maria Rosario Vergerie.
Nagpasalamat naman si Herbosa sa pagkaka apruba sa kanya ng CA, lalo’t pangatlo’t huling pagkakataon na niya itong pagsalang sa CA.
Sa panayam matapos ang pagkaapruba sa kanya ng CA, binahagi ni herbosa na nakausap na niya si Pangulong Marcos Jr., na nagpositibo sa COVID-19.
Nag-alok aniya siya ng mga gamot sa presidente bagamat hindi niya maibahagi ang kalagayan nito ngayon dahil bukod sa personal ito ay hindi naman siya ang physician ng pangulo at hindi pa niya ito nakikita ng personal.
Muli namang nagpaalala ang health secretary sa publiko na patuloy pa ring gawin ang minimum public health standards, gaya ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay maging ang pagpapabakuna laban sa flu o pneumonia.
Ito ay sa gitna ng pagtaas ng kaso ng respiratory illnesses at maging ng COVID-19 sa bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion