Ipagdiriwang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang ika-88 anibersaryo bukas, Disyembre 21.
Sa abisong inilabas ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang anniversary program ay isasagawa sa Lapu-Lapu Grandstand, sa Camp Aguinaldo.
Inaasahang dadalo sa pagdiriwang sina Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro at AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.
Tradisyunal na dumadalo bilang panauhing pandangal ang Pangulo na Commander-in-Chief ng Sandatahang Lakas.
Kasama sa mga aktibidad na isinagawa ng AFP ngayong buwan bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang anibersaryo ang isang Fun Run sa Camp Aguinaldo na pinangunahan ni Gen. Brawner noong Disyembre 7.
Isang libreng concert naman na binansagang, KKK: Konsyertong PAGPAPARANGAL, Kasiyahan para sa Mga KAWAL ang inihandog ng AFP para sa mga sundalo at kanilang dependent, sa AFP Grandstand sa Camp Aguinaldo noong nakaraang Biyernes. | ulat ni Leo Sarne