Nagpanukala si Senador Francis Tolentino ng amyenda sa contempt powers ng Senado para magkaroon ng oportunidad ang mga resource person na madinig bago sila mapa-contempt at maiditine.
Sa inihaing Senate Resolution 889 ng senador, pinapaamyendahan ang ilang bahagi ng rules of procedure tungkol sa pagsasagawa ng Senate inquiries in aid of legislation.
Sa kanyang panukala, hindi iko-contempt ang testigo o resource person nang dahil lang sa pagsisinungaling o pag-iwas sa pagsagot hanggang hindi sila nabibigyan ng pagkakataon na mapakinggan.
Ang resource person naman na contempt ay maaring magsumite ng motion for reconsideration sa loob ng limang araw mula sa araw na mapatawan ito ng contempt order.
Itinatakda rin ng panukala na maaaring baligtarin o ibasura ng mayorya ng mga miyembro ng senate committee ang contempt order na ibaba ng laban sa isang resource person sa pagdinig.
Pabibigyan rin ng hindi lalagpas sa 15 araw ang isang na-contempt para magsumite ng legal brief o memorandum na nagsasaad ng kaniyang posisyon sa issue na sinisiyasat ng Senado.
Kahit wala siyang isumite, itutuloy naman ng kumite ang palalabas ng committee report.
Ipauubaya rin sa chairman ng kumite ang pagdedesisyon kung bibigyan ng pagkakataon ang abogado ng testigo na magsalita sa pagdinig.
Sa patakaran kasi ngayon, pwedeng agad na ipa-contempt at ipakulong ang resource person na sa tingin ng mga senador ay nagsisinungaling at naging evasive sa pagsagot.
Ayon kay Tolentino, ang kanyang panukala ay pagtalima sa ruling ng korte suprema tungkol sa kaso ng mga opisyal ng pharmally na kinontempt at ipinakulong ng Senado sa City Jail nang hindi umano nabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag at kontrahin ang pag-contempt ng senado.| ulat ni Nimfa Asuncion