Hiniling ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes sa Department of Health (DOH) at mga local government unit (LGU) na pag-ibayuhin ang kanilang pagbabantay upang walang maitalang casualty sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
“Nananawagan po tayo sa DOH at sa ating mga LGUs na lalo pang paigtingin ang paghahanda para masiguro na ligtas ang ating pagdiriwang ng Bagong Taon,” ani Reyes.
Suportado ng mambabatas ang paghihigpit sa implementasyon ng Republic Act 7183 at Executive Order 28, s. 2017 patungkol sa regulasyon ng pagbebenta ng mga paputok at pyrotechnic devices.
Aniya, napakahalaga na i-monitor at sugpuin ang paggawa at pagbenta ng mga iligal at ipinagbabawal na paputok.
Kaya umaasa ang kongresista na sa pangunguna ng kapulisan at ng LGUs, ay masisiguro ang kaligtasan ng lahat, lalo na ng mga kabataan.
Hinimok din nito ang publiko na gumamit ng alternatibong pampaingay sa pagsalubong sa 2024.
“Hangga’t maaari, iwasan na po sana natin ang paggamit ng paputok at gumamit na lamang ng alternatibong paraan ng paggawa ng ingay ngayong Bagong Taon,” sabi ni Reyes.
Hanggang nitong December 27, nakapagtala na ang DOH ng 75 fireworks-related injuries (FWRI). | ulat ni Kathleen Jean Forbes