Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa nangyaring kaso ng robbery-holdup sa Skyway kamakailan.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo makaraang maaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang suspek sa likod nito.
Ayon kay Fajardo, partikular na sa mga tinututukan ay ang anggulong inside job dahil lumalabas na natiktikan ang mga dayuhang biktima na may bitbit na malaking halaga ng pera mula sa isang Casino.
Lumalabas na modus ng mga ito na iipitin ng mga suspek ang sasakyan ng biktima sa Skyway at bababa ng sasakyan na may bitbit na palakol para ipambasag sa sasakyan ng biktima.
Nakuha sa mga biktima ang perang nagkakahalaga ng ₱134-milyong piso na posibleng panalo ng mga ito sa Casino.
Kamakalawa, nahuli sa bisa ng search warrant ang mga suspek na kinilalang sina Ando Sardoma, 30-taong gulang, sa bahay nito sa Malate, Maynila at pinsan nito na si Joland Cabotaje na naaresto naman sa Cavite.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP ani Fajardo sa Security Management ng Casino na pinanggalingan ng mga biktima dahil maliban sa dalawa, may lima hanggang anim pa raw na hinahabol ang mga pulis na umano’y kasabwat ng mga ito. | ulat ni Jaymark Dagala