Bago matapos ang kanyang termino sa 2025, isa sa nais maiwang legasiya ni Senadora Nancy Binay ay ang paglipat ng Senado sa sarili nitong gusali na nasa Taguig City.
Ayon kay Senator Binay, bilang chairman ng Committee on Accounts tinututukan niya ng husto ang pagpapatayo ng Senate building kung saan siya na ang namimili ng bibilhing materyales tulad ng tiles at pintura.
Sa ngayon aniya ay nasa 80 percent na ang natatapos pero mas matrabaho at mas maraming kailangang bilhin at gawin ngayong nasa finishing stage na ito.
Target ng mataas na kapulungan na makalipat na sa bagong gusali sa kalagitnaan ng susunod na taon, kung saan plano na doon na magbukas sesyon para sa SONA sa July 2024.
Pero ang ganap na paglipat ng lahat ng departamento at mga opisina ng Senado ay sinasabing sa 2025 pa maisasagawa.| ulat ni Nimfa Asuncion