Ilang araw bago ang pagsalubong ng Bagong Taon ay umapela ang toxic watchdog group na BAN Toxics sa Philippine National Police (PNP) at Local Government Units (LGUs) na agad tugunan ang talamak na bentahan ng mga paputok sa merkado.
Sa ikinasang monitoring ng Ban Toxics sa Tabora at M. de Santos Street sa Divisoria, natukoy na marami pa rin ang mabibiling iligal na paputok kabilang ang Atomic, Piccolo, Special Pla-pla, Whistle Bombs, Bawang, Five-Star, at mayroon ding “Dugong.”
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics, kailangan ang mahigpit na on-site monitoring ng PNP at LGUs nang makumpiska ang mga ibinebentang iligal na paputok.
Punto nito, ang patuloy na pagbebenta ng mga iligal na paputok ay sadyang nakakabahala at nakakatakot lalo na kung ito ay napasakamay ng publiko, lalo na ng mga bata.
Hindi lang rin aniya ito peligroso sa kalusugan kundi maging sa kalikasan.
Una nang nagpahayag ng suporta ang BAN Toxics sa itinutulak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na total ban ng paputok sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa