Aabot sa pitong katao ang sugatan matapos sumalpok at dumiretso ang isang Toyota Fortuner sa loob ng isang branch ng Banco De Oro (BDO) sa Quirino Highway sa Barangay Pasong Putik, Quezon City nitong Huwebes, December 28 ng hapon.
Batay sa inilabas na CCTV footage ng QCPD, makikitang malaki ang pinsalang idinulot ng bumanggang sasakyan na umabot hanggang sa teller booth ng bangko.
Kabilang sa sugatan ang dalawang babaeng bank teller at mga kliyente ng bangko na dinala sa pinakamalapit na ospital.
Kinilala naman ang sangkot na driver ng sasakyan na si Edwin Balisong, 57 taong gulang.
Ayon sa QCPD, nabangga ng driver ang isa pang Mitsubishi Adventure na nakaparada sa labas ng branch ng BDO.
Imbes rin na brake ay ang accelerator ang naapakan ng driver dahilan para magdirediretso ito sa premises ng BDO Bank.
Nasa kustodiya na ng Traffic Sector 2 ang sangkot na driver sa insidente. | ulat ni Merry Ann Bastasa