Nais ni Quezon City 4th district Representative Marvin Rillo na ilibre na ang lahat ng sasakyan mula sa pagbabayad ng toll fee tuwing regular holiday.
Sa kanyang House Bill 9661, aamyendahan ang section 6 ng Presidential Decree 1112 kung saan maliban sa government vehicles na nasa official business ay isasama na rin ang lahat ng sasakyan para ma-exempt sa pagbabayad ng toll fee kapag natapat sa isang regular holiday.
Punto ng mambabatas batay sa isang pag-aaral na ginawa ng Boston Consulting Group noong Setyembre hanggang Oktubre 2017, lumalabas na inaabot ng 66 minuto sa gitna ng trapiko ang isang motorista o commuter sa Metro Manila.
Katumbas aniya ito ng P3.5 billion na nawawalang kita dahil sa traffic congestion.
Kaya naman malaking bagay na rin aniya kung malilibre sa paggamit ng expressway ang mga motorista kahit tuwing regular holidays lang.
Ang Toll Regulatory Board ang siyang maglalatag ng panuntunan kung paaano ma-a-avail ang libreng toll fee oras na maisabatas.
“This bill proposes to exempt all vehicles on regular holidays from the payment of toll fees under such procedures and circumstances as will be promulgated by the Toll Regulatory Board. This will ensure smooth travel through the all connecting toll highways.” Saad ni Rillo sa explanatory note ng panukala. | ulat ni Kathleen Forbes